Dagupan City – Pinagtibay ng Pamahalaang Lokal ng Manaoag at Laoac ang kanilang tambalan para sa mas ligtas at maunlad na komunidad sa pamamagitan ng opisyal na paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA).

Pinangunahan ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario, ng Manaoag at Mayor Ricardo D. Balderas ng Laoac ang ginanap na Ceremonial Signing para sa opisyal na pagpapatupad ng Balay Silangan Reformation Program.

Ang Balay Silangan ay isang community-based reformation program na naglalayong magbigay ng ikalawang pagkakataon sa mga drug surrenderers at iba pang kwalipikadong indibidwal.

--Ads--

Layunin nitong tulungan silang magbagong-buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang interbensyon gaya ng Values Formation, , Skills Development, at Community Support.

Bukod sa mga operasyon ng batas laban sa ilegal na droga, binibigyang-diin ng programang ito ang rehabilitasyon at reporma bilang pangunahing haligi sa pagpuksa sa suliranin ng bawal na gamot.

Sa pamamagitan ng alyansang ito, mas pinatibay ng dalawang bayan ang kanilang layunin na gabayan ang kanilang mga mamamayan malayo sa masasamang bisyo tungo sa isang mas produktibo at makabuluhang kinabukasan.