Ligtas na muli ang baybayin ng Bolinao at Anda sa red tide toxin matapos ang higit isang buwang monitoring at pagsusuri.

Ayon kay Atty. Girly G. Dela Peña, Officer-in-Charge ng BFAR Region I , wala na sa mga lugar na ito ang nakapipinsalang red tide kaya’t ligtas na ngayong mangalap at mag-trade ng shellfish.

Aniya lahat ng uri ng shellfish kabilang ang tahong, talaba, at alamang mula sa nasabing mga lugar ay ligtas nang kainin.

--Ads--

Binanggit din niya na mahigpit ang monitoring ng BFAR lalo na ngayong papalapit ang Holy Week, panahon kung saan mataas ang konsumo ng seafood.

Patuloy parin ang kanilang pagsusuri sa kalidad ng tubig sa lugar upang agad na maipabatid sa mga lokal na pamahalaan at stakeholders kung may lumitaw na bagong alerto sa red tide.

Ipinaliwanag ni Dela Peña na may mga salik tulad ng biglaang pagbabago ng temperatura ng tubig na hindi kontrolado, ngunit pinapangalagaan ng BFAR ang mga bagay na maaari nilang mapamahalaan.

Kadalasan, ang sobrang nutrient loading, mataas na init, at mababang dissolved oxygen sa tubig ang nagiging sanhi ng red tide bloom.

Dahil sa red tide, apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda at nagtitinda ng shellfish sa loob ng isang buwan.

Ayon sa opisyal, nakatanggap sila ng tulong mula sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan.

Plano rin ang BFAR na magbigay ng alternatibong kabuhayan para sa mga apektadong stakeholders.

Lubos naman niyang pinasalamatan ang mga lokal na pamahalaan at stakeholders sa Anda at Bolinao sa kanilang pakikiisa at pagsunod sa mga advisories.