Mga kabombo! tila eksena sa fantasy series ang nangyari sa isang batang lalaki sa Huaihua, Hunan Province sa China matapos maipit ang isang maliit na combination padlock sa loob ng kanyang ilong.

Ayon sa kaniyang mga magulang, sanay na sila na may kung anu-anong napapasok sa ilong, mula LEGO at holen hanggang takip ng ballpen.

Pero ayon mismo sa local firefighters, first time nilang makakita ng ganitong kaso.

--Ads--

Bagama’t hindi malinaw kung paano eksaktong napunta ang kandado sa ilong ng bata, hinala ng marami, naglalaro lang ito.

Hirit naman ng netizens, baka nagko-cosplay bilang Bull Demon King, kaya nauwi sa literal na “bull ring” ang peg ng bata.

Nang hindi na niya matanggal ang padlock, humingi na ng tulong ang bata sa kanyang mga magulang.

Sinubukan pa umano itong tanggalin, ngunit dahil sa sobrang sakit na at delikado na kung ipipilit pa dinala na nila ang bata sa local fire department para humingi ng professional help.

Doon, maingat na kinalma muna ng mga bumbero ang bata bago suriin ang sitwasyon.

Ayon sa kanila, delikado kung basta hihilahin ang kandado dahil puwede itong magdulot ng seryosong injury o masira ang septum ng ilong ng bata.

Kaya ang napagdesisyunang putulin na lang ang padlock gamit ang shears.

Sa kabutihang-palad, matagumpay na natanggal ang kandado nang walang malubhang pinsala, at ligtas na ang bata.