Dagupan City – Naghanda na ang mga flower shop sa Dagupan City para sa paparating na Valentine’s Day matapos magsimulang tumanggap ng mga maagang reservation upang matugunan ang inaasahang dagsa ng mga mamimili.

Ayon sa mga tindahan ng bulaklak, maaga pa lamang ay may mga kostumer nang nagpapa-book ng flower arrangements, lalo na ang mga bouquet ng rosas, bilang paghahanda sa Araw ng mga Puso.

Ang maagang reservation ay upang maiwasan ang kakulangan ng supply at masiguro ang maayos na serbisyo sa kasagsagan ng okasyon.

--Ads--

Ilan sa mga flower shop ang nag-alok na rin ng iba’t ibang disenyo at package, kabilang ang kombinasyon ng bulaklak, tsokolate, at stuffed toys, upang matugunan ang iba’t ibang panlasa at badyet ng mga mamimili.

Inaasahan din ng mga tindahan na mas magiging abala ang operasyon habang papalapit ang Valentine’s Day.

Sa kabila ng pagtaas ng demand tuwing Pebrero 14, patuloy ang paalala ng mga negosyante sa publiko na magpa-reserve nang mas maaga upang makaiwas sa pila at masiguro ang napiling disenyo.