DAGUPAN CITY — “Ano ba talaga ang objective nito?” Ito ang tanong ni Ariel Lim, Presidente ng National Public Transport Coalition, kaugnay sa layunin ng Boss Ironman Motorcycle Challenge matapos itong masuspinde.

Sa kanyang pagsusuri, duda si Lim kung tugma ba ang unang layunin ng event sa aktwal na epekto nito, kung saan nagkakaroon ng malawakang aksidente at paglabag sa traffic laws. Pangalawa, tinanong niya kung dumaan ba sa tamang proseso at permit ang sinasabing adbokasiya, na ayon sa kanya ay hindi ginawa ng organizers. Dahil dito, nararapat lamang ang show cause order na ibinigay ng LTO.

Idinagdag ni Lim ang kakulangan ng koordinasyon ng organizers sa LGU at transport groups sa mga lugar na dinaanan ng event. Ayon sa kanyang obserbasyon sa isang kaparehong aktibidad sa Mindanao, patong-patong na umano ang violations mula sa simula pa lamang.

--Ads--

Aniya, ang mga ganitong “motorcycle challenge” ay mas maiging pag-aralan bago ipatupad.

Binanggit din niya ang kawalan ng presensya ng mga ahensyang dapat magbantay at magbigay ng tamang impormasyon sa trapiko, upang mapanatili ang kaligtasan hindi lamang ng mga kalahok kundi pati na rin ng mga ibang motorista at inosenteng mamamayan.

Ayon kay Lim, ang mga event na ito, na minamaskarahan bilang endurance challenge, sa katotohanan ay mga motorcycle drivers lamang na kumakarera at isang aktong kayabangan lamang sa pagmamanibela na walang magandang dulot.

Aniya, mas mabuti umanong ipatigil muna ang ganitong aktibidad, pag-aralan nang mabuti, tiyakin ang koordinasyon sa lahat ng ahensyang dapat involve, at linawin ang layunin ng pagtitipon. Dapat ding may sapat na kontrata para sa posibleng casualties at pananagutan ang mga organizers.