Inihayag ng National Food Authority (NFA) Region 1 na mayroon nang stocks at sapat ang suplay ng bigas na nagkakahalaga ng P20 kada kilo para sa mga benepisyaryo ng Programang Benteng Bigas Meron Na ng pamahalaan.

Ito ay upang masiguro na mayroong abot-kayang bigas para sa mga nangangailangan sa rehiyon.

Ayon kay Acting Regional Manager Liza R. Balagot, mayroon silang kabuuang 235,213 sako ng bigas na nakalaan para sa programa sa buong Region 1, kabilang ang Benguet at Abra sa Cordillera Administrative Region (CAR).

--Ads--

Ang P20 bigas ay maaaring mabili sa mga itinalagang redemption sites ng NFA at sa pakikipag-ugnayan sa ilang lokal na pamahalaan.

Maliban sa mga holidays, ang mga NFA redemption site ay bukas mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM. Mayroon ding nakatakdang dami na maaaring bilhin ang bawat benepisyaryo, at maaari rin itong mabili sa mga LGU kapag may mga isinasagawang event.

Kabilang sa mga lokasyon na may stocks ng bigas ay ang San Juan (La Union), Laoag (Ilocos Norte), Ilocos Sur, Abra at Benguet, at Rosales (Pangasinan).

Nagsisilbing rice storage ang mga bodega ng NFA na naglalaman ng nakalaang bigas para sa P20 at maaari din itong gamitin kung may mga kalamidad.

Prayoridad sa P20 program ang mga rice farmers, farm workers, at fisher folks, ngunit pinalawak na rin ang programa para sa iba pang sektor, kabilang ang 4Ps beneficiaries, senior citizens, solo parents, PWDs, jeepney drivers, at tricycle drivers.

Sa kasalukuyan, aktibo ang Pangasinan sa pakikilahok sa LGU participation, habang mas marami ang kumukuha ng P20 bigas sa Baguio City dahil sa mas malaking bilang ng mga benepisyaryo doon.

Tinitiyak din ng NFA na ang P20 bigas na ibinebenta sa publiko ay de-kalidad at ligtas kainin.

Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa NFA upang lumahok sa P20 program at matulungan ang kanilang mga nasasakupan.