Dagupan City – ‎Walang naitatala na kaso ng leptospirosis sa Barangay Zone 1 sa bayan ng Rosales, batay sa datos ng barangay health office.

Ayon kay Marites Macaranas, Barangay Health Worker ng Brgy. Zone 1, sa kasalukuyan ay wala pang naiuulat na residente na nagpositibo o ginagamot dahil sa leptospirosis sa kanilang lugar.

Gayunpaman, patuloy ang pagbabantay at regular na monitoring ng barangay health workers upang matiyak na agad na matutukoy ang anumang posibleng kaso.

Sinabi ng barangay health office na nagpapatuloy ang mga programa sa information dissemination hinggil sa leptospirosis, partikular sa mga paraan ng pag-iwas sa sakit.

Kabilang dito ang pagbibigay-paalaala sa mga residente na umiwas sa paglusong sa baha, panatilihin ang kalinisan sa paligid, at magsuot ng proteksiyon kung kinakailangang magtrabaho sa mga lugar na maaaring kontaminado.

Kasama rin sa mga hakbang ng barangay ang koordinasyon sa rural health unit ng munisipyo para sa agarang referral ng mga pasyenteng maaaring magpakita ng sintomas na may kaugnayan sa leptospirosis.

--Ads--

Patuloy ding ipinatutupad ang mga aktibidad sa paglilinis ng kapaligiran upang mabawasan ang mga lugar na maaaring pamugaran ng daga.

Ayon sa barangay health office, mananatiling nakaantabay ang mga health worker at opisyal ng barangay upang mapanatili ang zero case ng leptospirosis sa lugar at matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga residente.