Dagupan City – Nasugatan ang dalawang indibidwal sa karambola ng 3 sasakyan sa bayan ng Alcala.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na magkasunod na bumabagtas sa kalsada patungo sa kanluran ang mga nasabing sasakyan.

Kinasangkutan ito ng isang pampasaherong bus na minamaneho ng 49-anyos na lalaki na residente ng Malasiqui, isang motorsiklo na minamaneho ng 47 -anyos lalaki na residente ng Sta. Maria kasama ang backride nito na isang babae at 55 taong gulang na lalaki na, residente ng Caloocan City na nagmamaneho ng van.

--Ads--

Ayon sa ulat, biglang huminto ang bus na nasa unahan kaya nabigla ang van na nasa hulihan at hindi napansin ang motorsiklo na nasa gitna, kaya’t aksidente itong nabangga.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang motorsiklo at bumangga pa sa likurang bahagi ng bus.

Nagresulta ito sa pagkasugat ng drayber ng motorsiklo at malubhang pinsala sa ulo ng kanyang babaeng angkas kaya agad dinala sa Conrado F. Estrella Regional and Trauma Center para lapatan ng lunas.

Wala namang nasaktan sa mga drayber ng bus at van habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Alcala PNP sa insidente upang matukoy ang sanhi ng aksidente