Dagupan City – Sumalpok ang isang Van sa isang poste ng kuryente at sa isang nakaparadang tricycle sa Brgy. Banaoang, Sta. Barbara.
Ayon sa ulat ng Sta. Barbara Police Station, minamaneho ang nasabing sasakyan ng 34 taong gulang na lalaki, na patungong Calasiao mula sa Sta. Barbara, sakay ang apat pa.
Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan matapos umano itong makatulog habang nagmamaneho, dahilan upang bumangga ang van.
Tumama rin ang sasakyan sa roll-up door ng isang tindahan dahil sa lakas ng impact.
Samantala, agad naman na isinugod sa Ospital ang lahat ng sakay sa van para sa medikal at pisikal na eksaminasyon.
Habang ang sasakyan ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kapulisan para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy ang mga paalala sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho, lalo na kapag pagod o inaantok upang maiwasan ang mga ganitong insidente na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang sarili at sa iba.