DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Hindi na bago sa ating ang mga higanteng pagkain.

Ngunit, nakakita ka na ba ng isang uri ng prutas na maliliit pinagsama-sama upang maging higante?

Kakaiba ang naging selebrasyon ng ika-10 Pinya Festival sa bayan ng Pudtol, Apayao, matapos itampok ang isang higanteng “pinya” installation na may taas na mahigit 32 talampakan at lapad na 11 talampakan, na binuo gamit ang 2,823 na sariwa at totoong pinya.

--Ads--

Ipinagdiwang ito kasabay ng International Pineapple Day, kung saan naging tampok ang naturang obra bilang simbolo ng kasipagan at pagkakaisa ng komunidad.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pudtol, ang mga pinya ay nagmula sa ani ng mga lokal na magsasaka, at layunin nitong itaguyod ang lokal na agrikultura at bigyang-pugay ang pangunahing produkto ng bayan.

Ang paggawa ng higanteng pinya ay isinagawa sa loob ng ilang linggo sa tulong ng mga volunteers, lokal na opisyal, at mga organisasyon sa komunidad.

Nagsilbi itong sentro ng atraksiyon sa festival, kung saan libo-libong residente at bisita ang dumagsa upang masaksihan ang kakaibang likhang-sining.