Inalis na sa pwesto ng National Police Commission (Napolcom) ang pulis na nagmamay-ari ng government-issued firearm na ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School, Tacloban City nitong June 22 na ikinamatay ng tatlong mag-aaral.

Batay sa pahayag ng komisyon nitong Miyerkules, Oktubre 14, iniutos ng Napolcom ang pagtanggal sa pwesto ni Police Staff Sergeant Arla Ray Paciencia ng Regional Finance Service Unit ng Eastern Visayas Police dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Matatandaang iniwan ni Paciencia na nakasilid ang kaniyang service-issue 9mm pistol sa isang plastic gun box sa loob ng plastic cabinet ng kanilang bahay imbes na sa isang safety vault — bagay na taliwas sa firearm safekeeping rules ng Philippine National Police.

--Ads--

Ayon pa sa komisyon, ang kapabayaan ni Paciencia ang nag-udyok sa karahasan at pamamaril ng kaniyang 14 taong gulang na pamangkin matapos magkaroon ng akses sa kaniyang baril.

Binawi rin ng Napolcom ang benepisyong kalakip ng kaniyang pwesto. Hinatulan din si Paciencia ng pang-habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon.

Pinaalalahanan naman muli ng Napolcom na ang tamang paghawak at ligtas na pagtatago ng mga government-issued firearms ay mga tungkuling hindi maaaring tawaran ng kapulisan.