Kinondena ni Elaine Estrada, presidente ng Dagupan Autism Society Inc., ang mga taong nangungutya at nanlalait sa mga person with disabilities (PWD), partikular sa mga indibidwal na may autism.

Ayon kay Estrada, bilang isang magulang na may anak na may autism, masakit sa kanilang damdamin na makitang pinagtatawanan at ginagawang katatawanan ang kanilang mga anak dahil sa kanilang kondisyon.

Ipinaliwanag din niya na ang autism ay isang neurodevelopmental condition na maaaring makaapekto sa pakikipag-ugnayan, komunikasyon, at paraan ng pagpapahayag ng isang indibidwal. Dahil dito, ang mga batang may autism ay nahihirapang makipag-interact sa ibang tao o ipahayag ang kanilang saloobin at pangangailangan.

--Ads--

Binigyang-diin ni Estrada na mahalagang maunawaan ng publiko ang kalagayan ng mga batang may autism, lalo na’t hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang sarili.

Giit niya na isinusulong ng Dagupan Autism Society Inc. ang pagpapalawak ng kamalayan, at pagbibigay ng sapat na edukasyon tungkol sa autism maipalaganap ang tamang impormasyon upang maiwasan ang diskriminasyon at mahikayat ang publiko na igalang at tanggapin ang mga taong may autism.

Dagdag ni Estrada, na mahalagang magkaroon ng mga batas at mekanismong magbibigay ng sapat na proteksiyon sa mga taong may autism laban sa pang-aabuso, diskriminasyon, at pangungutya.

Matatandaang umani ng batikos mula sa publiko ang mga host ng isang programa matapos umanong pagtawanan ang anak ng aktres na si Kris Aquino na si Josh Aquino, na may autism spectrum disorder. Nagdulot ito ng panawagan mula sa publiko para sa higit na pag-unawa, respeto, at pagiging sensitibo sa mga taong may kapansanan.