Nagsasagawa na ng paghahanda ang Police Regional Office 1 (PRO1) para matiyak ang seguridad at kaayusan sa paggunita ng Undas 2026, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga bisita at mga biyaherong uuwi sa kani-kanilang lalawigan sa rehiyon.
Ayon kay PMAJ Cherry Tolentino, Chief ng PRO1 Public Information Office (PIO), libu-libong pulis ang inaasahang itatalaga sa iba’t ibang lugar sa Ilocos Region upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, partikular sa mga sementeryo at pangunahing lansangan.
Bahagi ng paghahanda ang paglalagay ng sapat na bilang ng mga tauhan ng pulisya sa mga sementeryo, gayundin ang pagpapalakas ng presensya ng kapulisan sa mga highway upang mapanatili ang kaayusan at matulungan ang mga motorista.
Magbubukas din ang mga nakahandang motorist assistance desk simula sa huling linggo ng Oktubre upang magbigay ng tulong sa mga biyahero at iba pang nangangailangan ng agarang asistencia habang bumibiyahe.
Kasabay nito, hinikayat ng PRO1 ang publiko na maagang magtungo sa mga sementeryo upang maiwasan ang matinding init ng panahon at posibleng pagsisikip ng mga lugar na dadagsain ng mga tao.
Pinayuhan din ang mga mamamayan na agad lumapit sa pinakamalapit na himpilan o tauhan ng pulisya sakaling magkaroon ng problema o mangailangan ng tulong sa panahon ng Undas.
Samantala, inaasahan ding makatutulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon ang mga motorsiklong ilalaan sa PRO1 sa pamamagitan ng tanggapan ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Tolentino, sampung motorsiklo ang inilaan para sa Pangasinan, sampu sa Ilocos Norte, walo sa La Union, at sampu sa Ilocos Sur.
Inaasahang magagamit ang mga motorsiklo sa mga operasyong pangseguridad at mabilis na pagtugon ng mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region.
Patuloy namang pinaghahandaan ng PRO1 ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang paggunita ng Undas ngayong taon.










