Dagupan City – Nagkaroon ng magkahalong reaksyon at pag-aalinlangan ang ginawang Cabinet Revamp ng Administrasyong Marcos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sony Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, maganda sana ang ginawang cabinet revamp ng administrasyong Marcos dahil ito’y maaaring magsilbing hudyat ng pagbabago sa mga patakaran ng bansa.
Gayunpaman, nananatiling dismayado ang publiko dahil sa kakulangan ng konkretong tugon ng gobyerno sa mga pangunahing problema ng mamamayan.
Pag-amin nito, nagulat din sila sa bilis ng pag-apruba ng Pangulo sa mga pagbabago sa gabinete.
Para sa kanya, posibleng may halong pulitikal na motibo sa nasabing hakbang — kabilang na ang kawalan ng suporta mula sa ilang sektor ng estado.
Dito na binigyang diin ni Africa na ang tunay na problema ay ang pangmatagalang tugon sa kinakaharap ng bansa.
Aniya, walang duda na huli na nga ang pagbabalasa sa pamahalaan, pamamalakad at gabinete. Ngunit hindi ito dapat tumigil sa paglalagay ng bagong mukha na may luma ring ideolohiya.
Samantala, patuloy ring binabatikos ang programang P20 na bigas ng kasalukuyang administrasyon.
Dahil sa katunyan aniya ay hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas sa inaasahang antas, kaya naman tila pakitang-tao lamang ang programa.