DAGUPAN CITY- Inaasahan at tiyak ang “due process” para sa kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) subalit asahan din na hindi ito bibigyan ng special treatment.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Josalee Deinla, Secretary General ng National Union of Peoples’ Lawyer, inaasahan nang kasunod sa pagdating ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague, Netherlands ang confirmation hearing nito.
Aniya, titiyakin nila sa prosesong ito na tama ang inarestong indibidwal batay sa inilabas na warrant of arrest ng ICC.
Susuriin din kung nasunod ang mahahalagang alituntunin sa paggalang ng karapatan ng akusado.
Pagkatapos ay babasahin na kay Duterte ang mga detalye ng mga akusasyon laban sa kaniya at tsaka, tutuloy na sa paglilitis.
Gayunpaman, hindi pa matatawag na kaso ang kinakaharap ni Duterte at magiging kaso lamang ito kung naitulak na sa harapan ng ICC.
Hindi naman tiyak si Deinla kung matagal ang aabutin ng kaso dahil posible din na abutin lamang ng isang araw ang proseso ng paglilitis.
Ipinaliwanag pa niya na may karapatan ang akusado na makakuha ito ng abugado at hindi ito ipagkakait sa kaniya at sa mga maaaring papangalanang co-perpetrators nito.
Samantala, hindi naman umano posible na magkaroon ng pagsasaaayos sa kalagayan ni Duterte batay sa kagustuhan ng kampo nito nang dahil lamang sa kalusugan nito.
Ani Deinla, maaari lamang mag-avail ng bail ang dating Pangulo subalit, hindi maaasahan na mabibigyan ito ng special treatment.
Kung titignan din naman ang tutuluyan na detention ng dating pangulo ay maganda at komportable ito.
Samantala, sinabi naman ni Deinla na magiging ‘problematic’ lamang kung maaprubahan ng Korte Suprema ang mga petisyon na nagpapabalik sa dating pangulo sa bansa dahil sa wala naman hurisdiksyon ang korte sa International Court.
Wala rin kase nakita ang SC na karapat nina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at dating Pangulong Duterte para mapayagan ang kanilang Temporary Restraining Order (TRO).
Nakitaan din kase na may resonableng batayan sa kaso para arestuhin si Duterte.
Ani Deinla, mabuti na lamang na harapin na ito ni Duterte dahil bibigyan naman siya ng “due process”.
Saad pa niya, hindi na rin ito maituturing na “kidnapping” dahil nagmula ito sa legal na proseso.
Nauna na rito, maging ang dating Pangulo na ang nagsabi na kaniyang hinihintay ang imbestigasyon ng ICC laban sa kaniya.
Kinahangaan naman ng National Union of Peoples’ Lawyers sa katatagan ng mga pamilya ng biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Duterte dahil sa patuloy na pangangalap nila ng ebidensya laban kay Duterte.
Bagaman napakabagal ng hustisya sa bansa ay hindi sumuko ang mga ito para maipaglaban ang kanilang pamilyang nasawi. Hanggang sa umabot sa paglapit ng kaso sa ICC.
Giit ni Deinla na hindi ito pagsuko sa soberanya ng Pilipinas kundi ang paglaban sa mga katarungan ng mga biktima ng ‘crimes against humanity’.
Samantala, hinahamon nila ang gobyerno ng Pilipinas na maibalik ang pagiging miyembro ng bansa sa ICC upang labanan ang mga may kaugnayang kaso.