Kinumpirma ni James Reid na si Liza Soberano ang mismong nagdesisyong umalis sa poder ng Careless Music.

Ang Careless Music ay isang record label at talent management company na pinamumunuan ng actor-singer na si James.

Nitong September 14, 2024 tuluyang isinapubliko ng pamunuan ng Careless Music ang pag-alis ni Liza sa roster of artists ng kumpanya.

--Ads--

Dahil dito, maraming haka-haka ang nagsilabasan. Kabilang na rito na si James daw diumano ang mismong nag-terminate sa kontrata ni Liza.

Mayroon ding lumabas na espekulasyong si Liza mismo ang tumapos sa ugnayan niya kay James at kumpanya nitong Careless Music at lalo pang naging tampok ng usap-usapan ang isyu nang i-unfollow ni Liza sa Instagram ang official account ng talent management.

Para tuldukan ang mga nagsisilabasang espekulasyon, naglabas ng pahayag si James tungkol sa dahilan ng pag-alis ni Liza sa Careless Music.

Sa isang panayam kinumpirma nito na si Liza ang nagdesisyong lisanin ang kaniyang dating talent management.

Hindi pinigilan ni James si Liza at malinaw naman daw sa usapan nila noon na maaaring umalis si Liza sa kanyang pangangalaga sa oras na gustuhin ng dalaga.

Bago raw nagdesisyon ang aktres na umalis sa Careless Music ay nakapag-usap pa sila ni James.

Saad daw nito na mas gusto talaga niyang ipokus ang career sa Hollywood kaysa manatili sa Pilipinas.