DAGUPAN CITY- Hinihinalang nagpatiwakal ang isang 39 anyos na lalaki sa bayan ng Lingayen dahil umano sa problema sa isinangla niyang dalawang motor.

Ayon kay PSMS. Gerald Petilla, Chief Investigator ng Lingayen PNP, kinilala ang biktima na si Micomede Lincod, tricycle driver, may kinakasama, at nakatira sa bahay ng kaniyang kapatid sa Libsong East, sa parehong bayan bilang isang caretaker.

Batay sa kanilang imbestigasyon, 7:30 ng gabi nang makarating si Marifi Perret, 50 anyos, kapatid ng biktima, residente ng Brgy. Quibaol, sa nasabing bayan sa kaniyang tahanan sa Libsong East.

--Ads--

Sa hindi inaasahang pagkakataon, namataan nito ang kaniyang kapatid sa labas ng likurang bahagi ng kaniyang pamamahay. Nakabitin na ang labi nito sa isang puno at wala nang buhay.

Ayon kay Perret, nais niya lamang surpesahin ang kaniyang kapatid dahil nakauwi na ito mula sa ibang bansa subalit siya pa umano mismo ang nasurpresa.

Agad naman itinakbo sa ospital ang biktima subalit idineklara din itong dead on arrival.

Patuloy pa iniimbestigahan ng kapulisan upang matukoy ang dahilan sa kaniyang papatiwakal. Narecober din sa pinangyarihan ang isang suicide note na sinulat umano mismo ng biktima bago ito magpakamatay.

Napag-alaman din ng mga otoridad na nakakaranas ito ng depresyon matapos umano nitong isangla ang dalawang motor ng kaniyang kapatid noong nakaraang buwan nang hindi nito pinapaalam dahil sa pagsusugal nito.