Walang manghuhuli at suspendido muna ang pag-iisyu ng tiket sa mga motorista sa lungsod ng Urdaneta ngayong darating na Undas.
Ito ang tiniyak ni Francisco Serafica, Head ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Urdaneta City, dahil ito ang direktiba ng alkalde sa gitna ng kanilang mahigpit na paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga bumibisita sa mga sementeryo.
Bagamat suspendido ang pagtitiket, pinaalalahanan pa rin ng POSO chief ang publiko na sumunod nang mahigpit sa mga ipinatutupad na alituntunin at traffic schemes upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa lansangan.
Ayon kay Serafica, nakalatag na ang kanilang mga hakbang pangkaligtasan at trapiko dahil na rin sa lokasyon ng pangunahing sementeryo ng lungsod na nakapwesto mismo sa kahabaan ng National Highway.
Sa ilalim ng gagamiting traffic diversion, ang mga tricycle na nanggagaling sa Western Part ng lungsod, o mga kalapit na barangay ay papapasukin sa Barangay Mabanogbog palabas ng Highway.
Para naman sa mga truck at four-wheel vehicles, mananatili ang daloy ng mga ito sa National Highway sa tapat ng sementeryo.
Hinikayat din ang mga may-ari ng sasakyan na huwag nang iparada ang kanilang mga sasakyan sa mismong harapan ng Urdaneta Cemetery.
Maaari nilang gamitin ang mga maluluwag na paradahan sa may Lachica St. at sa Cultural Center.
Inamin din ng opisyal na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa kabila ng kakulangan sa kanilang tauhan.
Humigit-kumulang 40 na tauhan lamang ng POSO ang idedeploy upang magbantay sa tatlong pangunahing lugar sa lungsod gaya ng Urdaneta Cemetery, Forest Lake, at Memorial.
Gayunpaman, tiniyak ni Serafica na magkakaroon ng shifting ang mga tauhan ng POSO na makikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya hanggang sa gabi ng Nobyembre 2.
Maglalagay rin sila ng mga barrier na dadaanan ng mga bibisita at mahigpit ang paglalagay ng mga tauhan sa kalsada upang matiyak na magiging maayos at ligtas ang daloy ng trapiko.
Nanawagan naman ang pamunuan ng POSO sa mga residente at bisita na makiisa at sundin ang mga itinakdang rerouting para sa kaayusan ng paggunita ng Undas sa lungsod.
Home Local News Pagtitiket sa mga motorista sa Urdaneta City, suspendido sa darating na Undas-POSO:...










