Paiigtingin ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang kampanya laban sa paggamit ng paputok ngayong papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon, kasunod ng mga naitalang insidente ng pagkasugat at pagkasawi dahil sa mga paputok sa mga nakaraang taon.

Ayon kay Councilor Joey Tamayo ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan, patuloy nilang hinihikayat ang publiko na umiwas sa paputok at gumamit na lamang ng mga alternatibong paraan ng pagsalubong sa Bagong Taon upang maiwasan ang mga aksidente at pinsala.

Binigyang-diin din ni Tamayo ang panganib na dulot ng mga hindi sumabog na paputok na pinupulot ng mga bata matapos ang pagdiriwang.

Dahil dito, plano nilang palawakin ang pagpapakalat ng mga babala at information materials, kabilang ang mga tarpaulin at larawan na nagpapakita ng malulubhang pinsalang maaaring idulot ng paputok.

Kasabay nito, isinusulong din ng lokal na pamahalaan ang panukalang ordinansa na maglalaan ng itinalagang lugar para sa mga nagbebenta ng mga regulated na paputok.

Layunin nitong mas maayos na mamonitor ang bentahan at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng kapaskuhan.

Inaasahan namang makikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa mga kinauukulang ahensiya, kabilang ang Dagupan City Police Office, Bureau of Fire Protection, City Disaster Risk Reduction and Management Office, at Panda Volunteer Fire Brigade, para sa koordinasyon sa mga hakbang pangkaligtasan.

Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na unahin ang kaligtasan at iwasan ang mga gawaing maaaring magdulot ng pinsala sa kanilang sarili at sa ibang mamamayan sa pagsalubong sa Bagong Taon.

--Ads--