DAGUPAN CITY — Nasawi ang isang 36-anyos na lalaki sa Sitio Manandag, Brgy. Bega, sa lungsod ng San Carlos matapos itong makuryente sa isang live wire.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. MC Kinley Mendoza, Public Information Officer ng San Carlos City Police Station, kinilala ang biktima na si Michael Perez, isang magsasaka, residente ng nasabing lugar.
Aniya, personal na dumako si Maritess Perez, 49-anyos, upang i-report ang kaniyang pamangkin na nakuryente. Base sa kaniyang pagsasalaysay, kahaponn nang umaga nang umakyat ang biktima sa kanilang bubongan upang pinturahan ito. Ngunit, kalaunan ay aksidente nitong nahawak ang isang live wire na naging sanhi ng kaniyang pagkakakuryente.
Agad naman itinakbo ang biktima ng kaniyang pamilya sa ospital sa Brgy. Rizal, parehong lungsod ngunit idineklara din itong dead on arrival.
Samantala, hindi naman na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang magsasaka matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa rin nakikilalang mga suspek sa Brgy. Doyong sa kaparehong lungsod kamakailan.
Kinilala ni PLt. Mendoza ang biktima na si Elisa Vinluan Ragas, 62-anyos, at residente ng Purok 5 sa nasabing lugar.
Aniya na matapos silang makatanggap ng tawag mula kay Brgy. Kagawad Alicia Muñoz Salvador kaugnay sa insidente ay kaagad silang nagsagawa ng imbestigasyon.
Dito nila napag-alaman na habang pauwi ang biktima ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek na mabilis namang tumakas mula sa insidente.
Sinubukan pa itong dalhin sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara rin itong Dead on Arrival.
Patuloy namang inaalam ng mga kapulisan ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek.