Halos mahati ang katawan ng isang motorista matapos itong mahagip at magulungan ng isang truck sa bayan ng Calasiao, Pangasinan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Lt/Col. Joseph Fajardo, OIC ng Calasiao PNP na naganap ang aksidente sa bahagi ng national highway ng Brgy. San Miguel.

Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang isang delivery truck dahilan upang mabangga ang biktima.

--Ads--

Nakatigil umano ang motorsiklo ng biktima upang pagbigyan ang papasok sa intersection patungong Brgy. Parungquing nang mabangga ito.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima sa kaharap na van hanggang sa tumilapon din sa gitna ng kalsada at nakaladkad muli ng truck.

Dead on the spot ang biktima habang ang driver ng truck ay nasa kostodiya na ng PNP habang inihahanda na ang patung-patong na kasong kakaharapin nito.

Samantala, nagpaalala naman si Fajardo sa publiko lalo na sa mga motorista na lalabas sa gitna ng umiiral na General Community Quarantine na magdoble ingat sa pagmamaneho at iwasan parin ang paglabas lalo kung hindi kinakailangan.