Dagupan City – Nahuli ang walong drug traffickers sa magkakahiwalay na operasyon ng 6 na Police Station sa lalawigan Nueva Ecija kontra-iligal na droga.
Ayon sa ulat ng Nueva Ecija Police Provincial Office bandang alas-7:30 ng gabi kamakailan ay nagsagawa ng Comelec checkpoint ng tauhan ng Gen. Tinio Police Station at pinara ang isang pulang motorsiklo na may sakay na tatlong (3) lalaking sa Barangay Padolina Road, General Tinio dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Habang tinitingnan ang mga dokumento at lisensya ng driver, nakita ng mga pulis ang isang maliit na transparent na plastic sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng ilegal na droga kung saan kinilala ang driver bilang isang 28-taong gulang na residente ng Barangay Rio Chico.
Sa legal na paghahalughog sa katawan, natagpuan ang tatlong (3) heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kung saan ang nakumpiskang droga ay may timbang na 0.50 gramo at may halagang Php 3,400.00 ayon sa DDB habang Wala namang nakuhang ilegal na gamit sa dalawang back rider.
Sa kabilang banda, nagsagawa rin ng magkakahiwalay na anti-illegal drug buy-bust operations ang mga tauhan ng Talavera PS, San Isidro, Aliaga, Gapan City PS, at Gen. Natividad PS sa kani-kanilang lugar.
Nagresulta naman ito ng pagkakadakip ng nasa limang (5) drug trader at nakumpiska ang 3.11 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng Php 21,148.00.
Dahil dito, kakaharapin ng mga naarestong suspek ang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at kasalukuyang nasa pangangalaga na ang mga ito ng kanya-kanyang kapulisan sa kanilang nasasakupan.