Dagupan City – Nagtamo ng sugat sa kanyang katawan ang isang 68-anyos na lalaki na nabangga ng motorsiklo matapos tumawid sa kahabaan ng kalsada sa bayan ng Pozorrubio.
Kinilala ang biktima na residente ng Pozorrubio habang ang nakabangga sa kanya ay isang 22-anyos na estudyante mula sa Sison na nagmamaneho ng pulang motorsiklo.
Ayon sa mga ulat, tinatawid ng pedestrian ang kalsada mula silangan patungo sa kanluran nang bigla siyang mabangga ng motorsiklo na patungo sa timog.
Parehong tumumba ang biktima at ang driver ng motorsiklo, at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Agad naman na dinala ang dalawang sugatan sa Pozorrubio Community Hospital para sa karampatang lunas habang ang motorsiklong nasangkot ay nagtamo rin ng sira kaya dinala na ito sa Pozorrubio Municipal Police Station para tamang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.










