Dagupan City – Dumalo at nakinabang ang nasa 62 indibidwal sa libreng serbisyong legal sa isinagawang Legal Aid Caravan sa huling araw ng Brigada Eskwela 2026 sa Don Benito Agro-Industrial High School sa bayan ng Pozorrubio.
Ito ay inisyatiba ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Pangasinan Chapter kasama ang Office of the Local Civil Registrar.
Kabilang sa mga serbisyong inihandog ang mobile registration at assistance mula sa Local Civil Registrar, legal na konsultasyon, notaryo ng mga simpleng dokumento, at libreng legal na tulong para sa mga nangangailangan.
Nagmula sa 4 na barangay ang dumalong indibidwal sa lugar gaya sa Don Benito, Balacag, Malokiat, at Casanfernadoan sa nasabing bayan.
Partikular na binigyang-prioridad ang tulong mula sa municipal Local Civil Registrar para tulungan ang mga mag-aaral at mamamayan na may problema sa kanilang pagpaparehistro o birth certificate, upang hindi maantala ang kanilang pag-aaral at iba pang mahahalagang transaksyon.
Bahagi ang aktibidad sa adhikain ng IBP Pangasinan Chapter na ilapit ang serbisyong legal sa mga komunidad at tiyakin na maibigay ang mga karapatan ng mamamayan sa abot ng kanilang kamay.










