DAGUPAN CITY- Nagresulta sa pagdakip at pagkumpiska ng 6 na gramo ng suspected shabu sa isang 42-anyos na lalaki sa isinagawang buy bust operation ng Dagupan City Police Office.
Isinagawa ito ng mga operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), at Station 5 Dagupan City Police, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 kung saan kinilala ang suspek na residente rin sa lungsod.
Narekober mula sa suspek ang mga sumusunod na ebidensya gaya ng 6 gramo ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P40,800, na nakalagay sa apat na heat-sealed transparent plastic sachet, isang P500 bill bilang buy-bust money at sampung P1,000 boodle money.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan ang nasabing suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa kaso upang mahuli at mapanagot pa ang maaring kasabwat ng suspek sa mga kaugnay na kaso ng iligal na droga.










