DAGUPAN CITY- Nakaramdam man ng 6.1 Magnitude Earthquake sa Hokkaido, Japan kaninang umaga, buo naman itong napaghandaan ng gobyerno at mga tao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent in Japan, pangalawa na ito sa pinakamalakas na lindol na naramdam sa bansa sa buwan na ito at una na rito ang 7.7 Magnitude Earthquake sa northern Japan noong nakaraang linggo.

Ayon kay Galvez, maliit lamang ang naapektuhan sa naging pagyanig ngayon araw dahil sa bulubundukin at kakaonti ang populasyon na naninirahan.

--Ads--

Ito ay 200km ang layo mula sa mataong lugar.

Hindi na ito bago sa bansa at buong nakahanda ang kanilang gobyerno dahil sa 18% ng pagyanig sa mundo ay nararanasan sa Japan.

Maging ang mga mamamayan, mapabata man o matanda, ay sinasanay para sa ganitong uri ng delubyo.

Nakakatanggap din ng agarang abiso mula sa gobyerno ang mga tao.

Habang mayroon naman nakahandang evacuation areas at food supplies para sa ganitong pagkakataon.

Nagbalik tanaw si Galvez noong March 2011 kung kailan naramdaman ang 9.0 Magnitude Earthquake sa Japan subalit, kaniyang naobserbahan ang pagiging kalmado ng mga tao, bagay na naiiba kumpara sa Pilipinas.