Dagupan City – Nasawi ang isang 40-anyos na construction worker matapos mahulog sa kalsada habang sakay ng motorsiklong kargado sa isang excavator na lulan naman ng dump truck sa Brgy. Balingue, bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan.
Ayon kay Plt. Ferdinand Abulencia, duty officer ng Sta. Barbara PNP, ang biktima ay residente sa bayan ng San Jacinto.
Galing naman siya sa Dagupan City at patungo sana sa bayan ng Malasiqui nang mangyari ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng dump truck ang excavator habang ang motorsiklo naman, na sinasakyan ng biktima, ay nakapatong sa excavator.
Habang umaandar ang truck sa katamtamang bilis at papaliko sa naturang bahagi ng kalsada, umano’y nakatulog ang biktima dahilan upang mawalan ng balanse at mahulog.
Sinubukan pa umanong iligtas ng kasamahan ng biktima matapos masalo ang kamay nito, subalit tuluyan pa rin itong nahulog at bumagsak sa sementadong kalsada.
Dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa matinding pinsalang tinamo sa pagkakahulog.










