Bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng matinding tagtuyot, muling binuo ng pamahalaang lungsod ang El Niño Phenomenon Task Force sa ilalim ng Executive Order Number 14, series of 2026.

Sa ulat ni Ronald De Guzman, Chief ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nagpulong ang nasabing task force noong Abril 21, 2026 upang pagtibayin ang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya tulad ng Pamana Water, Dagupan Electric Corporation (DECORP), City Health Office (CHO) at Bureau of Fire Protection (BFP). Nakatuon ang mga hakbang sa apat na pangunahing sektor: tubig, enerhiya, agrikultura, at kalusugan.

Pinayuhan ng CDRRMO ang mga magsasaka na magtanim ng mga climate-resistant crops at ihanda ang kanilang mga rainwater collection systems para sa darating na dry spell. Sa sektor naman ng aquaculture, hinihimok ang mga caretaker na baguhin ang oras ng pagpapakain (feeding time) at bawasan ang dami ng feeds para sa mga bangus.

--Ads--

Binabantayan din ng Market Division at City Agriculture Office ang posibleng pagpasok ng mga produktong apektado ng fish kill at red tide mula sa Western Pangasinan. Bilang tulong sa mga sektor na ito, prayoridad ang mga magsasaka at mangingisda sa programang “Benteng Bigas Meron Na” ng lungsod upang matiyak ang kanilang food security sa gitna ng pagbaba ng produksyon.

Nagbabala rin si De Guzman laban sa panganib ng grass fires na nagdudulot ng polusyon sa hangin at panganib sa ari-arian. Binanggit niya ang mga nakaraang insidente sa Bonuan Binloc at Bonuan Boquig kung saan nadamay ang mga bodega dahil sa hindi nabantayang pagsunog ng damo. Inatasan ang mga barangay captain na ipagbawal ang pagsunog ng mga basura at vegetation sa kanilang nasasakupan.

Sa kasalukuyan, ang CDRRMO at iba pang katuwang na ahensya ay nasa 24/7 monitoring status upang agad na makatugon sa anumang sakuna o tawag para sa tulong na may kaugnayan sa El Niño.