Dagupan City – Nasamsam ang tinatayang P306,000 halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang 37-anyos na lalaki na residente sa bayan ng Malasiqui sa sinagawang buy-bust operation kamakailan sa nasabing bayan.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng mga katuwang na ahensya at ng Malasiqui MPS, sa koordinasyon ng PDEA RO1, matapos ang beripikasyon sa ilalim ng Target Intelligence Packet.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng anti-illegal drugs operation o buy-bust ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

--Ads--

Narekober sa operasyon ang humigit-kumulang 45 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa limang heat-sealed transparent plastic sachet.

Bukod dito, nasamsam din ang isang PhP500 bill at iba pang kagamitan kabilang na ang isang pouch kung saan nakalagay ang iligal na droga.

Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya sa mismong lugar ng pag-aresto sa presensya ng suspek at ng mga mandatoryong saksi alinsunod sa umiiral na batas.