DAGUPAN CITY- Sugatan ang isang 34-anyos na motorcycle rider matapos bumangga sa kasalubong na SUV sa A.B. Fernandez East sa lungsod ng Dagupan pasado alas sais ng umaga kanina.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Dagupan PNP, Ayon kay Pmaj Apollo Calimlim, na-dis-align umano ang manibela ng motorsiklong minamaneho ng lalaki.
Dahil dito, nawalan siya ng kontrol at biglang nagwild ang kanyang motor, dahilan upang tuluyang sumalpok sa SUV na kasalubong niya sa kalsada.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang rider matapos magtamo ng sugat sa ulo.
Sa kabila ng insidente, ligtas naman ang SUV driver na walang natamong anumang sugat, habang minor damage lamang ang tinamo ng kanyang sasakyan.
Nagkaayos na rin ang magkabilang panig. Nangako ang motorcycle rider na sasagutin ang lahat ng danyos na idinulot ng insidente.
Paalala ng Dagupan PNP sa mga motorista, siguraduhing maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang disgrasya.