Dagupan City – Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong indibidwal matapos mahuling sangkot sa ilegal na sabong o “bularit” sa isang bulubunduking bahagi sa bayan ng Malasiqui.

Kinilala ang mga suspek na pawang residente ng Malasiqui at Bayambang, na may edad 59, 67 at 33.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y nagpapatuloy na ilegal na sabong sa nasabing lugar.

--Ads--

Agad nagsagawa ng beripikasyon ang mga tauhan ng Malasiqui Municipal Police Station kung saan nakumpirmang may mga indibidwal na nagtitipon at nagsasagawa ng sabong at pustahan sa loob ng isang pansamantalang istruktura na may ruedang ginagamit bilang arena.

Isinunod ang operasyon ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek, habang nakatakas naman ang ilan pang kalahok matapos mapansin ang presensya ng mga operatiba.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong buhay na panabong na manok, apat na patay na manok, iba pang kagamitan, at perang nagkakahalaga ng P3,000 na pinaniniwalaang ginamit sa pagtaya.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek at ang mga ebidensya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law.