Dagupan City – Inaresto ang nasa 3 indibidwal habang nasagip naman ang 9 na kababaihan kabilang ang 4 na menor de edad sa isinagawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) Alaminos City District Office sa isang videoke bar sa bayan ng Sual matapos mapag-alamang nag-aalok ito ng panandaliang aliw sa mga customer.

Ayon kay Atty. Fabienne Matib ang Agent-in-Charge ng nasabing opisina na nakatanggap sila ng impormasyon noong buwan ng Disyembre noong nakaraang taon mula sa isang Christian non-profit organization na may nagaganap na illegal na gawain sa isang videoke bar na matatagpuan sa barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Aniya na nagsagawa sila ng surveillance sa lugar ng ilang buwan kung saan napatunayan ito na may nangyayaring pang-aabuso sa ilang kababaihan sa pamamagitan ng sexual and labor exploitation dahil nalaman na nag-aalok ang bar na ito ng “panandaliang aliw” sa halagang ₱2,000.00 kada babae at karagdagang 100 piso kung gagawin sa kanilang inihandang “kubo” ang sekswal na aktibidad kaya agad silang nagkasa ng entrapment operation.

--Ads--

Nagresulta ito ng pagkakaaresto ng 3 indibidwal kabilang ang may-ari ng establisyemento, floor manager at cashier.

Saad pa ni Atty. Matib na ang 9 na kababaihang nasagip ay stay in sa lugar at karamihan sa mga ito ay mula sa lalawigan ng Tarlac.

Dagdag pa nito na agad namang pinalaya ang 5 kababaihan na nasagip sa araw ding iyon habang ang 4 na menor de edad ay dinala sa Mandaluyong sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.

Samantala, nahaharap ang mga 3 suspek sa mga kasong Violation of R.A 9208 o mas kilala bilang Anti-trafficking in Person Act of 2003 at violation of R.A 7610 o ang Special Protection Against Abuse, Exploitation and Discrimination and for other purposes.

Kasalukuyan pang nakadetine ang mga ito sa NBI Jail Facility at inaantay ang kanilang filing ng counter affidavit sa mga kasong naihain sa kanila.