Dagupan City – Magsasagawa ang Pamahalaang Bayan ng Lingayen, sa pamamagitan ng Local Youth Development Office (LYDO), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), ng ikalawang Youth Leadership Summit (YLS) na may temang “Kilos Kabataan: Empowering Youth Through Advocacy, Service, and Peace-Related Volunteerism.”
Gaganapin ang tatlong araw na youth leadership camp sa Limahong Tourism Center sa Barangay Pangapisan North, Lingayen, Pangasinan.
Isasagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng 71st Infantry (Kaibigan) Battalion ng Philippine Army, Lingayen Municipal Police Station ng Pangasinan Police Provincial Office, Bureau of Fire Protection Lingayen, Philippine Coast Guard, at sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Lingayen.
Layunin ng Youth Leadership Summit na higit pang mapalakas, malinang, magising, at mabigyang-kapangyarihan ang mga kabataang lider at youth volunteers ng Lingayen upang maging aktibong tagapagtaguyod ng kapayapaan, bolunterismo, at paglilingkod sa komunidad.
Sa loob ng tatlong araw, inaasahang lalahok ang mga kabataan sa iba’t ibang leadership activities, capability-building sessions, at mga talakayan na magpapalawak ng kanilang kaalaman at kakayahan sa pamumuno, community service, at peace advocacy.
Inaasahan din na magsisilbing daan ang programa upang mahubog ang mas maraming kabataang handang makiisa sa mga inisyatiba ng pamahalaan at iba’t ibang ahensiya sa pagpapanatili ng kapayapaan, kahandaan sa sakuna, at pagpapaunlad ng kanilang mga pamayanan.
Sa pamamagitan ng Youth Leadership Summit, patuloy na ipinakikita ng Pamahalaang Bayan ng Lingayen at ng mga katuwang nitong ahensiya ang kanilang suporta sa paglinang ng mga kabataang magiging responsableng lider at katuwang sa pagpapaunlad ng bayan.










