Dagupan City – Iginiit ni litigation at trial lawyer Atty. Joseph Emmanuel Cera na maraming kahinaan ang naging testimonya ni Atty. Lotoc sa ikalawang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cera halos iniwasan umano ng testigo ang mahahalagang tanong na ibinabato sa kanya.
Paliwanag ni Cera, nakabatay ang depensa ng kampo ni Vice President Duterte sa argumento ng freedom of speech.
Gayunman, aniya, may mga kakulangan sa naging testimonya ni Lotoc upang suportahan ang naturang depensa.
Tinukoy rin ni Cera ang pahayag ni Lotoc hinggil sa tinawag nitong “dangerous tendency” ng mga naging pahayag ng bise presidente.
Aniya, upang mapatunayang may pananagutang kriminal ang isang talumpati, kinakailangan ng aktuwal na ebidensiya na may taong naudyukan at nagsagawa ng konkretong hakbang upang isakatuparan ang sinasabing banta.
Kaugnay ito ng naging pahayag ni Vice President Duterte na umano’y nagbanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon pa kay Cera, halos isang taon na ang lumipas ngunit wala pa ring resolusyon, affidavit, o anumang pormal na imbestigasyon na isinagawa kaugnay ng mga sinasabing banta.
Wala rin umanong mga sinumpaang salaysay mula sa mga indibidwal na sinasabing pinagbantaan.
Dagdag pa niya, maging ang Department of Justice (DOJ) ay wala umanong katiyakan na may sapat na batayan para sa isang conviction kaugnay ng reklamong impeachment.
Dahil dito, posibleng igiit ng depensa na hindi sapat ang mga naging pahayag ng bise presidente upang patunayang may naganap na impeachable offense o aktuwal na panganib sa pangulo at sa dating speaker.
Samantala, kaugnay ng inaasahang pagharap sa Senado ng dating chief of staff ni Vice President Duterte, na inaasahang ideklarang hostile witness ng prosekusyon, sinabi ni Cera na malinaw umanong nakapanig ito sa kampo ng bise presidente.
Paliwanag niya, sa ganitong sitwasyon, maaaring gumamit ang House prosecution ng mga leading questions o mga tanong na maaaring sagutin ng “oo” o “hindi” upang mas mailabas ang kinakailangang impormasyon mula sa testigo.
Inaasahan din ni Cera na isa sa mga mahahalagang mangyayari sa susunod na yugto ng impeachment proceedings ay ang personal na pagdalo ni Vice President Duterte sa pagdinig.










