Dagupan City – Nakapagtala ang Lifeguard sa Tondaligan Beach ng 2 kaso ng near drowning incident sa nakalipas na araw sa pagdiriwang ng Semana Santa.
Ayon kay Ella Oribello ang team leader ng lifeguard, nagsimula ang mga insidente noong Miyerkules dahil sa paglakas ng alon at pagbuo ng rip current o sabang kung saan sa araw na iyon nasa limang indibidwal ang nirespondihan.
Noong Huwebes naman ay sumunod ang isa pang kaso, ngunit lahat ng apektado ay natugunan ng mga first aid responders at hindi na kinailangang dalhin sa pagamutan.
Aniya na karaniwang sanhi ng muntik nang malunod ay nakainom ng alak at matitigas ang ulo sa paglangoy sa medyo malalim na parte.
Bukod sa near-drowning incidents, nananatili namang manageable ang ibang mga insidente sa beach tulad ng tatlong kaso ng jellyfish sting at hindi bababa sa sampung kaso ng nawawalang bata pero naibalik naman sila agad sa kanilang mga magulang.
Saad niya na, puspusan ang kanilang pagbabantay na binubuo ng kabuuang 15 lifeguard personnel na nakaposisyon sa 6 na lifeguard post.
Mayroon din silang mga dagdag na tauhan mula sa CDRRMO, Philippine Coast Guard, at iba pang ahensya para sa mas mabilis na pagtugon sa mga nangangailangang indibidwal.
Kaugnay nito, kumpleto naman ang kanilang mga kagamitan, at katuwang sila ng City Health Office para sa medikal na suporta kung saan nakaantabay ang mga ambulansya ng lungsod pati na rin ang mga ambulansya ng barangay rescue para sa agarang pagresponde.
Sa ngayon, hindi pa umaabot sa 50% ang dami ng mga dumadayo sa beach, ngunit inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga beachgoers bukas na araw ng Sabado.
Samantala, patuloy na nagpapaalala ang mga lifeguard sa publiko na maging mapagmatyag, sumunod sa mga alituntunin ng beach, at iwasan ang pag-inom ng alak bago lumangoy para sa kanilang sariling kaligtasan.










