DAGUPAN CITY- Unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga mamamayan ng Israel, matapos ang ipinatupad na 12 na araw na ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eric Calma Regala, Bombo International News Correspondent sa Israel, ikinagalak ng mga mamamayan ng Israel ang balitang pagkakasundo ang dalawang panig sa usapin ng tigil-putukan.
Aniya, isa itong positibong hakbang na nagdulot ng malaking ginhawa sa mga residente ng Israel.
Dagdag pa niya, sa kasalukuyan ay balik na sa normal ang kalakaran sa bansa. Unti-unti na ring nawawala ang pangamba sa puso’t isipan ng mga tao habang bumabalik sa dati ang kanilang pamumuhay.
Ang nasabing ceasefire ay inaasahang magbibigay-daan sa muling pagbangon ng ekonomiya, edukasyon, at kalagayan ng mga residente matapos ang ilang buwang tensyon at kaguluhan.