Maglulunsad ang pamahalaan ng pagbebenta ng murang bigas sa halagang ₱20 kada kilo sa Dagupan City sa darating na Lunes, Mayo 4, bilang bahagi ng programang naglalayong gawing abot-kaya ang pangunahing pagkain para sa mga mamamayan.
Gaganapin ang distribusyon sa City Plaza simula alas-nuebe ng umaga at magpapatuloy hanggang maubos ang suplay. Bukas ang programa sa lahat ng barangay sa lungsod, ngunit prayoridad ang mga sektor na higit na nangangailangan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang senior citizens, solo parents, persons with disabilities, mga indigent households kabilang ang 4Ps beneficiaries, rice farmers, fisherfolk, jeepney drivers at tricycle drivers.
Kinakailangan ang pagpapakita ng kaukulang ID o sertipikasyon mula sa mga kinikilalang ahensya tulad ng OSCA, DSWD, DA, BFAR, LTFRB at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at patas na pamamahagi ng bigas.
Ayon sa mga organizer, layunin ng programa na matulungan ang mga pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang bigas, at matiyak na may sapat na pagkain ang bawat tahanan.
Hinimok naman ang publiko na maagang pumunta sa lugar ng distribusyon upang mas maraming benepisyaryo ang mapagsilbihan bago maubos ang suplay.










