Isinasagawa ng Waste Management Division (WMD) ng Dagupan City ang iba’t ibang estratehiya para makatipid ng langis sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo, habang tinitiyak na patuloy na maayos ang paghahakot ng basura sa buong lungsod.

Ayon kay Bernard Cabison ang head ng nasabing opisina na patuloy na nagpapatakbo ang dibisyon kahit sa mga holiday at sa kabila ng krisis sa gasolina, dahil hindi maaaring tumigil ang pagtatapon at paghahakot ng basura na patuloy na nabubuo sa buong lungsod.

Binanggit kasi aniya ng alkalde na hindi dapat makompromiso ang koleksyon ng basura upang hindi ito magdulot ng karagdagang problema sa kalinisan at kalusugan ng mga mamamayan.

--Ads--

Upang makatipid ng gasolina, ipinatutupad ng WMD ang mga estratehikong hakbang tulad ng paglipat sa ibang barangay kung konti lang ang nakokolektang basura sa isang lugar, at pagbawas ng bilang ng biyahe patungong Urdaneta mula sa apat hanggang dalawang biyahe lamang bawat araw.

Nagiging on call din ang kanilang mga sasakyan ng basura para hindi masayang ang gasolina kung sila ay nag-iikot.

Ipinag-utos din sa mga drayber ng trak na patayin ang makina habang nagkakarga ng basura upang makatipid ng gasolina dahil may limitasyon sa suplay ng krudo at unleaded na gasolina ngayon.

Sa huli, nanawagan ito sa mga mamamayan na magtipid lalo na sa panahon ng krisis na nararanasan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Aniya, kung hindi naman kailangang lumabas ay mas mabuting manatili na lamang sa bahay para makatipid.