Dagupan City – Binigyang-diin ng Waste Management Division o WMD ang kahalagahan ng paghihiwalay ng basura, partikular sa mga lugar tulad ng Barangay Carael, kung saan nahihirapan pa rin silang ipatupad ang polisiyang “no segregation, no collection.”

Ayon kay Bernard Cabison, ang Barangay Carael ay isa sa mga lugar na kabilang sa kanilang “zero waste” program, kung saan masusi nilang ino-operate ang pamamahala ng basura.

Gayunpaman, maraming residente pa rin ang hindi sumusunod sa Republic Act 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act, na nagtatakda ng segregasyon mula pa sa mga kabahayan.

--Ads--

Kasama rito ang pagbabawal sa pagsusunog ng basura at pagtatapon nito sa mga kanal o anyong tubig.

Sa kabila ng mga hamong ito, patuloy ang WMD sa kanilang pagsisikap na mangolekta ng basura.

Ipinatupad din nila ang hiwalay na koleksyon gamit ang iba’t ibang kulay ng trak: dilaw para sa plastik, berde para sa nabubulok, at pula para sa hazardous waste tulad ng mga sirang appliances at bote.

Sa kabila nito, patuloy ang Waste Management Division sa kanilang pagsisikap na mangolekta ng basura mula sa mga barangay, na kung saan ang barangay ang dapat na mangasiwa sa paghihiwalay nito sa kanilang Material Recovery Facility (MRF).

Mula sa MRF, saka nila kinukuha ang mga basura at dinadala sa final disposal site.

Malaki ang epekto ng hindi pagsunod sa segregasyon, hindi lamang sa kapaligiran kundi maging sa pondo ng lungsod.

Ipinaliwanag ni Cabison na kapag nakasegregate ang basura, mas magaan ito at mas madaling kolektahin, na magreresulta sa pagbaba ng gastos.

Sa kasalukuyan, nagbabayad ang Dagupan ng ₱850 per tons ng basura, na posibleng tumaas pa sa ₱1,000 per tons.

Sa araw-araw, nasa 60 hanggang 70 tonelada ng basura ang na-generate ng siyudad habang sa Carael ay nasa 2 maliit na truck o 2 tons ang nakukuha
sa koleksyong isinasagawa nang dalawang beses sa isang linggo.

Samantala, Nanawagan ito sa mga residente hindi lang sa Carael kundi sa buong Dagupan na sumunod sa mga patakaran, kasama ang tamang oras ng paglalabas ng basura, upang maiwasan ang pagkalat at paghalungkat ng mga aso.

Ang patuloy na kooperasyon ng bawat isa ay mahalaga upang unti-unting maipatupad ang mas mahigpit na segregasyon at maging mas malinis ang lungsod.