Hinikayat ng isang vendor sa Lingayen Public Market ang publiko na patuloy na suportahan ang mga lokal na tindero at mamili sa pampublikong pamilihan sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng sektor.


Ayon kay Joanna Marie Estrada, malaking tulong sa kanilang kabuhayan ang patuloy na pagtangkilik ng mga mamimili dahil ito ang nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.


Ibinahagi ni Estrada na hindi palaging pareho ang dami ng mamimili at kita sa palengke. Aniya, naaapektuhan ang kanilang negosyo ng pagtaas ng presyo ng gasolina, mga bagyo at iba pang kalamidad na sumisira sa mga pananim, dahilan upang magbago rin ang presyo ng mga produktong ibinebenta sa merkado.

--Ads--


Sa kabila nito, pinasalamatan niya ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen at ang tanggapan ng Market Supervisor sa patuloy na pagbibigay ng suporta at maagap na pagtugon sa mga pangangailangan at reklamo ng mga vendor. Aniya, mahalaga rin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin sa kalinisan, kabilang ang pagkakaroon ng sanitary permit, tamang pagtatapon ng basura at regular na paglilinis ng mga puwesto upang mapanatiling malinis at maayos ang pampublikong pamilihan.


Nanawagan din si Estrada sa mga mamimili na patuloy na tangkilikin ang mga produktong lokal at mga panindang mabibili sa Lingayen Public Market. Aniya, bukod sa nakatutulong ito sa kabuhayan ng mga vendor, nakatutulong din ito sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at sa patuloy na pag-unlad ng komunidad.