Tuluyan ng binawian ng buhay ang unang positibong kaso ng sakit na coronavirus disease-2019 (COVID-19) dito sa lalawigan ng Pangasinan na mula sa bayan ng Bayambang.
Sa kumpirmasyong ipinalabas ng Local Government Unit ng Bayambang, inihayag nilang namatay ang biktima sa Lung Center of the Philippines ngayong araw, Marso 20.
Napag-alaman na ang pasyente ay una ng sinuri noong mga nakalipas na araw nitong buwan ng Marso subalit, ngayong araw lamang dumating ang resulta mula sa Department of Health (DOH).
Sa ngayon ang DOH katuwang ang Rural Health Unit ng bayan ay nakatutok sa monitoring sa mga nakasalamuha ng biktima at pinapayuhang mahigpit na sundin ang home quarantine protocol.
Hinihiling naman ng Pamahalaang Panlalawigan sa publiko na maging kalmado sa kabila ng naturang pangyayari at sa halip ay makiisa sa ginagawang mga hakbang ng gobierno upang hindi kumalat ang virus na nagdudulot ng naturang sakit.