Posibleng maging panibagong anyo ng pork barrel ang unprogrammed appropriations kung hindi magiging malinaw ang paglalaan at paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, hindi nangangahulugang awtomatikong labag sa Konstitusyon ang lahat ng unprogrammed appropriations, dahil maaari naman itong gamitin alinsunod sa mga itinakdang kondisyon at limitasyon ng batas.

Gayunman, kinuwestiyon niya ang patuloy na pagdaragdag ng Kongreso sa naturang pondo, na maaari umanong magpalaki sa pondong magagamit ng administrasyon nang hindi sapat ang detalye kung saan ito gagastusin.

--Ads--

Binanggit din ng law expert ang mga probisyon sa pambansang badyet na may kaugnayan sa pondong inilaan sa ilalim ng mga programang gaya ng SAGIP, na kinuwestiyon dahil sa kawalan umano ng sapat na linaw sa paggagamitan ng pondo.

Aniya, mahalagang masuri kung paano at saan talaga napupunta ang mga pondong ito.

Kaugnay nito, iginiit ni Cera ang pagbabalik sa PhilHealth ng pondong nailipat sa National Treasury, alinsunod sa naging desisyon ng Supreme Court. Iniutos ng Korte ang pagbabalik ng 60-bilyong pisong nailipat na pondo at pinagbawalan ang paglilipat ng natitirang 29.9-bilyong piso sa ilalim ng pinawalang-bisang probisyon.

Dagdag pa ni Cera, dapat matiyak na napupunta sa mga pangunahing serbisyo, kabilang ang kalusugan at edukasyon, ang pondo ng bayan sa halip na mailaan sa mga programang hindi malinaw ang paggagamitan.

Mahalaga aniyang magkaroon ng sapat na transparency at pananagutan sa paggamit ng pambansang badyet upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.