Dagupan City – Mas pinaigting pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang kampanya para sa kaalaman at pag-iwas sa sakit na cancer sa pamamagitan ng isinagawang awareness seminar para sa mga empleyado ng lalawigan.
Sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO), nakatutok ang oryentasyon sa pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa maagang pagtukoy, pag-iwas, at wastong paggamot sa breast, cervical, prostate, at colorectal cancer.
Binigyang-diin ng isang surgical oncologist mula sa Region 1 Medical Center (R1MC) at panauhing tagapagsalita sa talakayan, ang kahalagahan ng pagkilala sa mga paunang sintomas ng sakit.
Ayon sa kaniya, malaki ang tulong ng regular na pagpapasuri upang agad na maagapan ang cancer bago pa man ito lumala.
Samantala, patuloy ang pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Kabilang sa mga kasalukuyang serbisyo ay ang libreng mammography at cervical cancer screening.
Inihayag din ang mga plano ng pamahalaan na bumili ng kagamitang colonoscope at ang pagtatayo ng sariling Cancer Center o Institute sa Pangasinan upang mas mapalapit ang specialized care sa mga mamamayan.
Hinimok din ng PHO ang lahat ng kawani na bisitahin ang kanilang klinika na bukas Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, upang magpatingin at magpasuri.
Nagpaalala naman ang pamunuan sa publiko at mga empleyado na huwag na hintaying lumala ang nararamdaman at unahin ang pangangalaga sa kalusugan para sa magandang kinabukasan.










