Arestado ang isang 35-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) sa Barangay Bocacliw, Aguilar, Pangasinan, bandang alas-7:50 ng gabi noong Oktubre 21, 2026, dahil sa hinihinalang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Aguilar Municipal Police Station sa ilalim ng direktang superbisyon ni PMAJ Mark Ryan C. Taminaya, officer-in-charge (OIC), sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1. Ang naarestong suspek ay isang walang trabahong binata at residente ng Labrador, Pangasinan.

Nasamsam mula sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na mga butil na hinihinalang shabu, na may tinatayang timbang na 0.6 gramo at standard drug price na ₱4,080. Narekober din ang isang tunay na ₱500 na perang papel na ginamit bilang buy-bust money sa operasyon.

--Ads--

Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga alinsunod sa Republic Act 9165. Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay sasailalim sa kaukulang dokumentasyon at pagsusuri alinsunod sa mga umiiral na pamamaraan.

Samantala, patuloy ang pagpapatupad ng PNP, katuwang ang PDEA, ng mga operasyong naglalayong sugpuin ang bentahan at pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad ng Pangasinan.