Dagupan City – Inihayag ng United Filipinos Global-UK na hindi na nila ikinagulat ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na kumpirmahin ang mga kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Amik Garceniego, Vice Chairman ng grupo, inaasahan na nila ang naturang hakbang kaya’t hindi na ito naging sorpresa sa kanilang hanay.
Sa kabila nito, nananatili ang kanilang paninindigan na kulang ang ebidensyang mag-uugnay nang direkta sa dating pangulo sa mga kasong kriminal na inihain.
Dagdag pa ni Garceniego, umaasa sila ng malawakang demonstrasyon bilang pagpapakita ng pagtutol, iginiit na hindi nila isusuko ang soberanya ng bansa.
Aniya, patuloy nilang pinanghahawakan ang posisyon na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, lalo’t nakabatay ang kapangyarihan nito sa mga bansang kasapi.
Ibinahagi rin ng grupo ang kanilang hinaing sa umano’y mabagal na proseso ng hustisya sa ICC, kabilang ang kawalan ng interim release para sa mga nasasangkot.
Sa kabila ng mga pangyayari, binigyang-diin ng United Filipinos Global-UK ang kanilang paniniwala sa diwa ng “Invictus,” na sumisimbolo sa kanilang paninindigan na hindi susuko.
Para sa kanila, mananatili ang mga nagawang kabutihan ng dating pangulo para sa bansa, anuman ang kahinatnan ng paglilitis.










