DAGUPAN CITY- Naitala ang kauna-unahang kaso ng pananaksak sa bayan ng San Quintin ngayong taon matapos magkaroon ng kaguluhan sa isang inuman sa Barangay Poblacion Zone 1.

Ayon kay PCapt. Esteban Fernandez III, hepe ng San Quintin PNP, naganap ang insidente sa isang eskinita bandang gabi, kung saan nawalan umano ng kontrol ang isang lalaki matapos matalo sa larong bunong braso habang nag-iinuman kasama ang ilang kaibigan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa lugar upang makipag-inuman.

--Ads--

Ngunit nang matalo sa bunong braso, bigla na lamang itong nag-init ang ulo at nauwi sa kaguluhan.

Sinabi ni PCapt. Fernandez na nagtangkang tumakas ang suspek matapos ang pananaksak, ngunit kalauna’y isinuko rin ito ng isang kamag-anak sa mga awtoridad. Kasalukuyan na itong nahaharap sa kasong frustrated homicide.

Dagdag pa ni Fernandez, patuloy ang ginagawang pagpapatrolya ng mga pulis kahit dis-oras ng gabi, at nagkataon lamang na wala sa mismong lugar ang mga rumespondeng tauhan dahil sa layo ng pinangyarihan ng insidente.

Ito ang unang insidente ng pananaksak na naitala sa San Quintin ngayong taon.