Nagbabala ang isang eksperto sa matinding epekto ng mataas na heat index sa kalusugan, kapaligiran, at social life ng mga tao, lalo na sa mga lugar gaya ng Dagupan City na madalas mapasama sa may pinakamataas na heat index sa bansa.

Ayon kay Dr. Glenn Soriano, US doctor at natural medicine advocate, mahalagang maging mulat ang publiko sa panganib ng matinding init dahil naaapektuhan nito ang iba’t ibang aspeto ng pamumuhay.

Ipinaliwanag ni Soriano na naaapektuhan maging ang social life ng mga tao dahil sa sobrang init na nagiging dahilan upang iwasan na ng marami ang paglabas at pakikisalamuha.

--Ads--

Dagdag pa niya, isa sa pinakamalaking epekto ng init ay sa kalusugan ng tao. Kapag hindi sapat ang pag-inom ng tubig, maaaring mauwi sa dehydration, heat exhaustion, at kalaunan ay heat stroke na mas mapanganib kapag napabayaan.

Binigyang-diin din ni Soriano na magkakaiba ang epekto ng init depende sa edad dahil iba-iba ang water content ng katawan ng sanggol, young adults, at senior citizens.

Aniya, mas mataas ang water content ng mga sanggol ngunit maaari pa rin silang ma-dehydrate kapag kulang sa pag-inom ng tubig. Samantala, sinabi niyang mas mababa naman ang water content ng matatanda kaya mas mabilis silang ma-dehydrate. Sa mga young adults naman, bagama’t mas mataas pa ang water content ng katawan, maaari pa ring makaranas ng dehydration kapag nakakalimutang mag-hydrate.

Pinaalalahanan naman ni Soriano ang publiko na ugaliing uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matagal na pagbibilad sa ilalim ng araw, at maging maingat sa pagkain upang makaiwas sa sakit dulot ng matinding init.