Nakapagtala ng mataas na heat index a umabot sa 47 degrees Celsius ang bayan ng Rosales sa nakalipas na araw.

Kaugnay nito, patuloy na nagbabala ang mga awtoridad laban sa panganib ng heat-related na mga sakit.

Iniuugnay ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mataas na heat index sa patuloy na mainit na kondisyon ng panahon sa ilang bahagi ng Gitnang Luzon kabilang ang Pangasinan.

--Ads--

Nabibilang ang ganitong antas ng init ay sa “danger level”, kung saan ang mga taong matagal na nakalantad sa sikat ng araw ay posibleng makaranas ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.

Para maprotektahan ang sarili mula sa matinding init, hinihikayat ang publiko na sundin ang ilang hakbang gaya ng pag-inom ng sapat na tubig nang regular, kahit na hindi pa nauuhaw, umiwas sa matagal na pagbabad sa araw, lalo na sa mga oras na pinakamainit mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, Magsuot ng preskong damit na gawa sa manipis at maluwag na tela at manatili sa malamig o maaliwalas na lugar hangga’t maaari.

Bukod dito, binigyan diin na dapat bigyan ng espesyal na pag-aalaga ang mga bata, matatanda, at mga taong may karamdaman tulad ng mga may sakit sa puso, hika, at diabetes dahil sila ay mas mahina ang resistensya at mas madaling kapitan ng heat-related na sakit.

Samantala, patuloy na sinusubaybayan ng PAGASA ang temperatura at heat index sa buong probinsya ng Pangasinan at magbibigay agad ng anumang karagdagang babala para tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan.