Sinabi ni Engr. Rodrigo Corpuz, general manager ng Central Pangasinan Electric Cooperative o CENPELCO, na naapektuhan ng rotational brownout ang ilang bahagi ng kanilang coverage area nitong mga nakaraang gabi dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente sa Luzon Grid.
Ayon kay Corpuz, nagsimula ang pagkawala ng suplay ng kuryente bandang alas-7:45 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi bilang resulta ng kakulangan ng supply kumpara sa demand ng mga consumer.
Ipinaliwanag niya na ipinatutupad ng system operator ang manual load dropping upang mapanatili ang integridad ng grid at maiwasan ang total blackout.
Binanggit din niya na naglabas ng yellow alert ang grid operator at may posibilidad umanong umabot sa red alert kung magpapatuloy ang pagtaas ng demand sa kuryente.
Kabilang sa mga apektadong substation ang Labrador, Bolinao at San Manuel substations ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Ayon kay Corpuz, rotational ang implementasyon ng manual load dropping at kontrolado ito ng NGCP base sa demand kada circuit upang hindi lumampas sa available capacity ng Luzon Grid.
Sinabi rin niya na ilan sa mga power plant ay hindi nakapag-operate habang ang iba naman ay bumaba ang generating capacity o tinatawag na “de-rated.”
Dahil dito, hinikayat ni Corpuz ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente lalo na sa oras na may posibilidad ng grid alert status upang makatulong na maiwasan ang mas mahabang rotational brownout.










