DAGUPAN CITY- Dumarami ang panganib ng kontaminasyon at posibleng pagkalat ng sakit kapag nagkaroon ng fly infestation, lalo na kung dumadapo ang mga langaw sa pagkain, sugat, at maruruming lugar bago mapunta sa tao.

Ayon kay Dr. Glenn Soriano, US doctor at natural medicine advocate, nuisance o nakakairitang presensya lamang ang tingin ng marami sa mga langaw, ngunit maaari rin itong maging vector ng sakit dahil nagdadala ang mga ito ng bacteria at virus mula sa nabubulok na materyales, dumi ng tao, at dumi ng hayop.

Ipinaliwanag ni Soriano na hindi direktang nanggagaling sa katawan o laway ng langaw ang sakit, sa halip, nakakapit umano sa mga paa ng langaw ang mga mikrobyo gaya ng salmonella, E. coli, typhoid, cholera, at iba pang bacteria matapos dumapo sa maruruming lugar.

--Ads--

Aniya, maliit lamang ang posibilidad na makapagdulot ng sakit ang isang langaw, ngunit tumataas ang panganib kapag infestation na o napakarami ng mga langaw sa isang lugar.

Ayon kay Dr. Soriano, karamihan sa mga sakit na may kaugnayan sa fly infestation ay gastrointestinal diseases na naipapasa umano ito kapag nadumihan ng langaw ang pagkain o inuming nakokonsumo ng tao.

Dagdag pa niya, mas karaniwang bacterial infection ang naidudulot ng mga langaw kaysa viral infection dahil nagmumula ang kontaminasyon sa ingestion o pagpasok ng bacteria sa katawan sa pamamagitan ng pagkain, inumin, o sugat.

Kapag nakapasok na sa katawan ang bacteria, unang naaapektuhan ang gastrointestinal system na maaaring magdulot ng lagnat, panghihina, pagsusuka, at sunod-sunod na sintomas ng impeksiyon.

Pinayuhan ni Dr. Soriano ang publiko na paigtingin ang environmental sanitation at personal hygiene upang maiwasan ang pagdami ng langaw at mabawasan ang panganib ng mga sakit na dulot ng fly infestation.

Dagdag pa niya, makatutulong din ang pagpapanatili ng malusog na pangangatawan upang makaiwas sa sakit na maaaring dala ng mga langaw.

Ipinaliwanag din ni Dr. Soriano na bagama’t may masasamang epekto ang mga langaw, mayroon din itong pakinabang sa kalikasan. Aniya, nakatutulong ang mga langaw at maggots sa mas mabilis na decomposition ng basura at nagsisilbi ring pollinators ng ilang halaman.

Binigyang-diin ni Soriano na bahagi ng balance of nature ang mga langaw dahil may ginagampanan din itong papel sa ecosystem sa kabila ng panganib na maaaring idulot nito sa kalusugan ng tao.